Free entrance exam sa private colleges at universities suportado ni Jinggoy
Nakiisa si Senator Jinggoy Estrada sa isinusulong panukala na gawing libre ang entrance examinations ng mga mahihirap na senior high school graduates sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad, bukod na sila ay kabilang sa top 10 percent ng graduating class. Binanggit ni Estrada na tumaas ang bilang ng high school graduates sa 2020 census na ginawa ng Philippine Statistics Authority (PSA). “Ang pagdami ng bilang ng mga high school graduates ay marapat lamang na suportahan ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng pagsisiguro ng patuloy na pag-aaral nila sa kolehiyo. Isang paraan upang makamit ito ay ang pagsasabatas ng ‘Free College Entrance Examinations Act,'” sabi Estrada patungkol sa isinusulong niyang Senate Bill 2441.
Ayon sa 2020 PSA census, mahigit sa 21% ng mga Pilipino ang nagtamo ng high school diploma, mas mataas sa 19% na naitala noong 2010 at 13.5% noong 2000.
“Ang hindi pagbayad sa entrance exam fee lamang na nakapaloob sa panukalang ito ay malaking bagay para sa mga mag-aaral natin, lalo na para sa kanila na nasa pribadong paaralan ang mga napupusuang kurso o para sa mga mag-aaral na ang pinakamalapit na paaralan sa kanilang tahanan ay pribadong institusyon,” banggit ni Estrada sa kanyang co-sponsorship speech sa panukala.
Magbibigay din aniya ito ng magandang reputasyon sa mga private higher education institutions (PHEIs) dahil sa pagkakaroon ng mga high-achieving students.
Ang mga kuwalipikado sa libreng college entrance exam ay ang mga pamilya na nasa ilalim ng poverty line base sa itinakda ng National Economic and Development Authority (NEDA) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at dapat rin na kabilang sa nangungunang 10% ng graduating class.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.