P41/K at P45/K rice price cap binawi na ni Pangulong Marcos Jr.
By Chona Yu October 04, 2023 - 11:19 AM
Epektibo ngayong araw, binawi na ni Pangulong Marcos Jr. ang Executive Order 39 na nagtatakda sa presyo ng bigas sa merkado.
Sa panayam sa Taguig City, sinabi ng Punong Ehekutibo na hindi naman ito nangangahulugan na pababayaan na ang sektor ng agrikultura. Ayon sa Pangulo, tuloy din ang pagtulong ng pamahalaan sa mga magsasaka, mahihirap at mga nagugutom na Filipino. Dagdag pa niya babantayan ng pamahalaan ang presyo ng bigas para matiyak na hindi magsasamantala ang ilang negosyante. Pag-amin ng Pangulo, hindi makokontrol ng pamahalaan ang merkado pero maari namang mabantayan. Nakipag-ugnayan na rin si Pangulong Marcos kay House Speaker Martin Romualdez para tiyakin na may gagawing tulong ang Kongreso sa mga apektado ng price cap. Nakipag-usap na si Romualdez sa 33 mambabatas sa Metro Manila para magkasa ng programa na magbibigay ng bigas sa mga mahihirap. Sa ilalim ng EO 39, nasa P41 ang kada kilo ng regular milled rice habang nasa P45 naman kada kilo ang well-milled rice. Nagtungo ang Pangulo para ipamahagi sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang 1,000 sako ng bigas na nakumpiska ng Bureau of Customs sa Zamboanga.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.