P12.7 bilyong pondo para sa ayuda sa mga magsasaka, aprubado na ni Pangulong Marcos
Inaparubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagri-release ng P12.7 bilyong pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program.
Layunin ng programa na matulungan ang mga maliliit na magsasaka na mapataas ang produksyon.
“[This would] help them cope with the increasing cost of production and sustain their productivity even in the face of challenges like the coming El Niño [phenomenon],” pahayag ni Pangulong Marcos.
Sa ilalim ng programa, nasa 2.3 milyong magsasaka ng palay na naka-rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang mabibigyan ng ayuda.
Tig P5,000 ang matatanggap na pinansyal na ayuda ng bawat benepisyaryo.
Galing ang pondo sa nakolektang taripa mula sa mga imported na bigas noong 2022 na umabot sa P12.7 bilyon.
Kabilang sa mga makatatanggap ng ayuda ang mga farm cooperatives associations (FCAs), irrigators associations (IAs), agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs), small water impounding systems associations (SWISAs), at iba pang farm groups.
Nabatid na ang RFFA ay isang unconditional financial assistance para sa mga maliliit na magsasaka na mayroong dalawang ektarya pababa.
Inaprubahan din ni Pangulong Marcos ang paggamit sa P700 milyong excess tariff collections para sa “Palayamanan Plus” conditional cash transfer na nasa ilalim naman ng Household Crop Diversification Program.
Layunin naman nito na matulungan ang mga RSBSA-registered farmers na nakalista rin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nasa 78,000 benepisyaryo ang makikinabang dito at makatatanggap ng tig P10,000.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.