Bastos at walang respeto.
Ito ang pagsasalarawan ni Sen. Alan Peter Cayetano kay Laguna Lake Development Authority (LLDA) acting General Manager Senando Santiago sa hindi pagdalo ng huli sa pagdinig sa Senado kaninang hapon.
Ayon kay Cayetano, noong Martes nang pinadalhan ng pinamumunuan niyang Committee on Government Corporations si Reyes ng imbitasyon para dumalo sa pagdinig ngayon araw.
Dagdag ng senador, kagabi ay nagpasabi si Santiago na hindi ito makakadalo sa pagdinig na itinakda ng ala-1 ng hapon at ikinatuwiran na dadalo ito sa pulong ng mga alkalde.
Sinabi ni Cayetano na maiintindihan niya ang hindi pagdalo ni Santiago kung gumawa ang huli ng paraan na sila ay makapag-usap o nagpadala ng komunikasyon sa komite ukol sa hindi niya pagsipot.
Aniya kakamustahin lamang niya kay Santiago ang kondisyon at sitwasyon sa Laguna de Bay at ang mga isyu at hamon sa lawa.
Matapos ang kanyang opening statement, sinuspindi na ni Cayetano ang pagdinig ukol sa LLDA at sa panukala ni Sen. Bong Revilla na bumuo ng Laguna lake Conservation Authority (LLCA).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.