Si Duterte at ang ‘media boycott’ – sa ‘Wag Kang Pikon ni Jake Maderazo
NGAYONG Biyernes, si Mayor Duterte na ang Mr. President, pero nagbitaw siya ng salita na hindi na siya magpapa-interview sa mainstream media hanggang matapos ang kanyang termino.
Nitong weekend, nakapanayam siya ni Ms. Mocha Uson, na isang blogger-sex guru. Ang interview na nasa Youtube ay meron nang halos 800,000 views.
At dahil si Mocha ay hindi “media,” ang naturang one on one interview ay nagpatunay na talagang seryoso si Digong sa kanyang self-imposed “media boycott.”
Kung sabagay, naiintindihan ko kung bakit nawalan ng tiwala ang probinsyanong Mayor sa media. Ang mainstream media ng Metro Manila noong nakaraang eleksiyon ay hating-hati kina Grace Poe, Mar Roxas at Jejomar Binay at ito ay hindi lamang sa mga reporter, kundi maging sa mga editor, TV producer at publisher ng mga pahayagan.
At sa kampanya, ang pagmumura ni Duterte ay ginamit na paninira, ang kanyang mga “one liner soundbites” tulad ng Santo Papa, iyong Australian rape victim, na kahit na noong nanalo na siya ay patuloy na ihin-highlight pa rin.
Hindi ko malaman kung “election mode” pa rin ang mga miyembro ng media na hindi pa marahil matanggap na panalo na si Digong.
Idagdag pa natin ang mga iilang “bobong” reporter na kung magtanong ay walang saysay, hindi nakikinig, o nakakahiya ang mga “anggulo.”
Isipin ninyo, napakatagal at pambihira ang presscon ni Duterte at napakarami mong maitatanong at makukuhang balita.
Pero, iba ang nangyayari. Paglabas ng mga balita, gamit ang “pinutol” na “soundbite,” nag-iiba ang anggulo sa broadcast at diyaryo, kaya naman napikon na si Duterte.
Kung hindi ako nagkakamali, kahit si yumaong President Ramon Magsaysay ay nagmumura rin sa kanyang talumpati, ganoon din si Manila Mayor Arsenio Lacson, at maging si Senate President Amang Rodriguez, pero hindi iyon inaanggulohan ng mga journalists noong 1950’s at 60’s.
Ang kinukuha nila ay ang tamang “context” ng balita lalo pa’t presidente ang nagsasabi nito. At ang pagmumura ay inilalagay na lamang sa mga “anecdotes” ng mismong “chronicler” ng pangulo o ng mga malalapit sa kanila.
Nitong huling talumpati ni Duterte, tila hindi na pinapansin ng media ang kanyang pagmumura, na sa tingin ko ay tamang reaksyon lang.
Sabi naman ng mga kritiko, ang gusto ni Duterte ay disiplinahin ang media at sumunod sa kanyang dikta at walang kokontra. Mukhang mahirap umiral ang ganito.
Kailangang magkaroon dito ng “compromise.” At ito’y hamon sa mga top broadcasters na tulad nina Noli de Castro, Mike Enriquez, Mel Tiangco, Jessica Soho, Ted Failon, Anthony Taberna at iba pa na tiyakin na magkaroon ng “one on one interview.”
Kasi, kung sinasabi nitong si Duterte na hindi na siya magpapainterview hanggang sa katapusan ng kanyang term, ibig sabihin lang ay wala siyang tiwala sa media lalo na sa mga “top broadcasters” na binanggit ko, kasama na ako, at sampu ng mga reporters na nagku-cover sa Malacanang.
Mas may tiwala siya kay Mocha. Kayat nakasalalay ang media ngayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Maipaliwanag sana niya ang mga totoong isyu at balita sa harap ng galit ni Duterte sa drugs, krimen, corruption, mga ipokrito at injustice, kasama na ang mga reckless na salita, pagmumura, “catcalling” at wolfwhistling.
Si Duterte ang ating Presidente na kailangan nating suportahan, “take it or leave it.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.