Rice price cap sa Agora Market tiniyak ni Mayor Francis Zamora na nasusunod
Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagbisita sa Agora Market sa unang araw ng pagpapatupad ng “price cap” sa mga bigas alinsunod sa kautusan ni Pangulong Marcos Jr.
Ayon kay Zamora sumunod naman ang lahat ng retailers sa naturang pamilihan sa dapat na P41 kada kilo ng regular milled rice at P45 naman kada kilo ng well-milled rice.
Aniya ang ginawa niyang hakbang ay pagtalima sa Executive Order No. 39, Series of 2023, na inilabas para maiwasan ang pagmanipula sa presyo ng bigas.
“Kami po ay binigyan ng direktiba na ipatupad ang E.O. 39 starting Sept. 5, ngayong araw. Kaya kinausap po natin ang ating market master at ating mga retailers upang siguraduhin na sa araw na ito ay tama po ang presyo ng bigas sa Agora Public Market. Kinausap po namin sila at sinabing ang pangulo ay may executive order tungkol dito at lahat naman po ay compliant, sinigurado po natin yan sapagkat naiintindihan po natin ang pangangailangan ng consumer na makabili ng bigas sa mababang presyo,” sabi ni Zamora.
Bukod sa Price Act (RA 7581) at Anti-Agricultural Smuggling Act RA 10845), binanggit ng alkalde na mayroon silang City Ordinance No. 32 Series of 2008 o ang “An Ordinance Creating the Local Price Control Coordinating Council” para tiyakin na nasusunod ang mga itinakdang presyo at mabigyan ng proteksyon ang mga konsyumer.
“Ang ordinansang ito ang ating gagamitin upang siguraduhin na ang lahat po ng retailers dito sa San Juan ay susunod sa presyo. Hindi lang ito patungkol sa bigas ngunit sa lahat ng lumalabag sa SRP o suggested retail price ng mga bilihin,” ani Zamora.
Nabatid na ang unang paglabag sa ordinanasa ay pagmumultahin ng P2,000, P3,000 sa ikalawang paglabag at P5,000 at pagbawi sa permit sa ikatlong pagkakahuli.
Sinabi pa ni Zamora bilang namumuno sa Metro Manila Council (MMC), makikipag-ugnayan siya sa lahat ng mga kapwa niya alkalde sa Kalakhang Maynila para matiyak na maipapatupad sa lahat ng lungsod at bayan ang “rice price cap.”
Tiniyak din nito na handa silang magbibigay ng ayuda sa mga apektadong negosyante ng bigas bukod sa P15,000 na magmumula sa pambansang pamahalaan.
Kasama naman ni Zamora sa pagbisita sa Agora Market sina Agriculture Usec. Domingo Panganiban, Trade Usec. Agaton Uvero at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes.
Sumama din ang alkalde sa pag-inspection naman nina Interior Sec. Benhur Abalos, Trade Usec. Ruth Castelo, Panganiban at Mayor Joy Belmonte sa Nepa-Q Mart sa Quezon City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.