5 CAFGU napatay ng Bicol-based rebels sa Quezon ambush
By Chona Yu September 01, 2023 - 09:26 PM
Limang miyembro ng Citizens Geographical Unit (CAFGU) ang nasawi habang tatlong iba pa kabilang na ang isang militar ang sugatan matapos tamaan ng bala at masabugan ng bombang itinanim ng mga rebeldeng komunista na nabibilang sa Bicol Regional Party Committee of the Communist Party of the Philippines/ New People’s Army (CPP/NPA) sa Sitio Pag- asa, Brgy. Mapulot, malapit sa boundaries Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte sa Bicol region.
Kinilala ang limang nasawi na sina Cesar Sales, Jeffrey San Antonio, Aljohn Rapa, Johnwell Perez, Jomari Guno, pawang mga residente ng Tagkawayan, Quezon at miyembro ng CAFGU sa ilalim ng 85th Infantry Battalion ng Army’s 201st Infantry Brigade.
Sugatan naman sina Corporal Marvijun Oller, Jr., Lauro De Guzman at Regie Macalintal, pawang residente rin Tagkawayan.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Quezon police director Col. Ledon Monte, nabatid na ang insidente ay naganap dakong 7:22 ng umaga habang nagpapatrulya ang puwersa ng pamahalaan sa pangunguna ni Oller sa nasabing barangay nang maka-engkwentro nila ang mga rebelde gamit ang mahahabang armas at bomba na nagresulta sa 30 minutong bakbakan hanggang sa umatras ang mga rebelde dala ang mga sugatang kasamahan.
Base sa ulat, sinabi ni Monte na ang mga rebelde ay nagsasalita ng Bicol at pawang mga nakasuot ng pulang bandana at itim na kamison, isang tipikal na kasuotan ng mga rebeldeng nakabase sa Bicol.
Nang malaman ang insidente ay agad na pinaigting ni Monte ang pagbabantay sa seguridad sa nasabing lugar sa pamamagitan ng deployment ng Regional Mobile Force Battalion at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company para suportahan ang 85th IB troops.
Sinabi pa ni Monte na pinaigting din ang on-going joint PNP-AFP Checkpoint Operations sa koordinasyon ng COMELEC, habang nakikipag-usap sa mga kalapit na mga ospital at clinic kung mayroong dinala na sugatang rebeldeng komunista.
Ang Bicol region ay kilala bilang balwarte ng CPP/ NPA.
Noong nakaraang dekada, maraming pananambang at pagsalakay ang ginawa ng rebeldeng komunista sa Southern part ng Quezon na pinalala pa ng mga Bicol- based rebels mula sa boundaries.
Ang Quezon ay may mga boundaries sa probinsya ng Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate na nagbibigay opurtunidad sa mga rebeldeng Bicolanong NPA na makapagpadala ng suporta sa kanilang mga kapwa rebelde sa mga bayan sa Southern Quezon kung kinakailangan.
Matatandaan na ang Quezon ay dineklara na bilang insurgency- free province noong June 12 kasabay ng 125th Philippine Independence Day celebration kung saan pinangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang province-wide declaration ng Stable Internal Peace and Security (SIPS).
Kasunod ng pinagsamang pagkilos ng militar at kapulisan, ang mga local government units, national governement agencies at civic groups, ang 39 na munisipalidad at dalawang siyudad ay dineklara bilang mga insurgency- free.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.