Construction worker patay, 3 iba pa sugatan sa pagguho ng pader sa QC
Patay ang isang construction worker habang sugatan ang tatlong iba matapos bumagsak ang ginagawang pader sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, piinaiimbestigahan na niya sa mga kinauukulan ang naturang insidente.
Nais ni Belmonte na suriin kung sino ang dapat na managot sa insidente.
Nagsasagawa ng demolisyon ang mga construction workers sa Civic Center B Building nang maganap ang insidente.
Apat sa mga ito ang isinugod sa East Avenue Medical Center subalit binawian ng buhay ang isa.
“Inatasan na natin si City Engineer Atty. Dale Perral na pangunahan ang imbestigasyon sa insidente at tingnan kung may dapat managot sa insidente,” pahayag ni Belmonte.
”Isa sa mga unang aalamin ang sistemang pinaiiral ng kontratista sa construction site, at kung binigyang-halaga ba ang aspeto ng occupational safety para sa kanilang manggagawa,” dagdag ni Belmonte.
Sinabi naman ni Quezon City Engineer Atty. Dale Perral na hindi makaapekto sa structural integrity ng buong gusali ang pagbagsak ng architectural wall.
“Rest assured that the Civic Center B is still structurally sound and safe for use. Just the same, we will ensure that the construction site, especially the ground floor, will be cordoned off and safe for passersby and city hall employees,” pahayag ni Perral.
Tutukan aniya ng imbestigasyon ang compliance sa occupational, safety at health standards ng contractor.
Tuloy pa rin naman aniya ang konstruksyon matapos matiyak na ligtas ang lahat ng mga manggagawa.
“Magpapaabot tayo ng tulong sa pamilya ng nasawi at karampatang atensyong medikal sa mga nasaktang manggagawa,” pahayag ni Belmonte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.