Sen. Bong Revilla nagbabala sa “registered SIM for sale modus”
Binalaan ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang publiko kaugnay sa modus kung saan binibili ang mga rehistradong Subscriber Identity Module (SIM) card.
Sinabi ni Revilla na maaring magamit sa krimen, lalo na sa scams, ang mga biniling rehistradong SIM.
Bukod dito, dagdag pa ng senador, may mga nag-aalok online ng kanilang serbisyo para sa pagpaparehistro ng SIM gamit ang mga personal na detalye ng subscriber.
“Hindi natin dapat ipinagbibili ang ating SIM cards dahil kapag ginamit sa krimen ang SIM na nakarehistro sa isang indibidwal ay tiyak na mahaharap sa kaso kung sino ang nakapangalan sa SIM. Hindi naman puwedeng ikatuwiran na naipagbili na ang SIM kaya wala na silang kinalaman,” ani Revilla.
Aniya may ulat na umaabot hanggang P500 ang bentahan ng registered SIM at karamihan sa mga nabiktima ay walang alam sa proseso sa pagpaparehistro ng SIM.
“Tandaan natin na nakapaloob sa batas na kung ang rehistradong SIM card ay magamit sa krimen, parehong ang nagbenta at ang bumili ang mananagot sa batas. Kaya huwag na huwag nating ipagbibili ang ating mga registered SIM cards,” dagdag paalala ni Revilla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.