Sen. Bong Go pinabibilis sa DOH, DBM ang pagpapalabas sa allowances ng HCWs
Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) at sa Department of Budget and Management (DBM) na agad nang ipamahagi ang COVID-19 allowances ng healthcare workers.
Aniya makatuwiran lamang sa patuloy na pagsasakripisyo ng health care workers na matanggap na nila ang mga benepisyon alinsunod sa batas.
“Sa ngayon po, hindi pa naman po officially lifted ang declaration of state of public health emergency. Habang nandyan po ito, kung anuman po ang allocated natin sa ilalim ng national budget katulad nu’ng 2023, bilang chairman po ng Committee on Health at Vice Chairman po ng Committee on Finance, mayroon po tayong na-allocate na P19.962 billion allocated sa public health emergency benefits and allowances for healthcare and non-healthcare workers under the national budget 2023. Mayroon pong P52.962 billion na unprogrammed po, pwede pong gamitin ito ng ating gobyerno na ibayad sa ating mga health workers, nasa batas naman po ito,” paliwanag ng senador.
Dagdag pa niya dapat na tiyakin na sakaling bawiin na ang idineklarang State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19, ibibigay pa rin sa health care workers ang kanilang allowances dahil napaglaanan na ito ng pondo.
Nabanggit ni Health Sec. Ted Herbosa na may posibilidad na bawiin na ni Pangulong Marcos ang deklarasyon ni dating Pangulong Duterte noong Marso 2020 at mangangahulugan na mapuputol na ang pagbibigay ng allowances sa health care workers.
Samantala, nagpahayag din ng kanyang agam-agam si Go sa pagbawi sa deklarasyon sa katuwiran na nananatili ang banta ng COVID 19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.