Pinakakalma ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang publiko sa banta sa krisis sa tubig.
Ayon kay Engineer Patrick Dizon, Division Manager ng MWSS, hindi sasadsad ang lebel ng tubig sa Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig ng mga residente sa Metro Manila.
Sabi ni Dizon, base ito sa pag-aaral na ginawa ng Inter-Agency Technical Working Group na nakatutok sa Angat Dam. Kasama sa grupo ang mga kinatawan ng Pagasa, National Water Resources Board, National Irrigation Administration at iba pa.
Base aniya sa datos ng Pagasa, ang projection ng pinakamababang water level sa Angat Dam ay nasa 175 hanggang 176 meters. Mataas aniya ito sa 160 meters na critical level ng dam.
“Ang sabi ng ating grupo po sa PAGASA ay mayroon tayong ini-expect po na dalawa hanggang apat po na ulan o bagyo sa buong buwan po ng July. So, sa ngayon po, sa magdamag po ay nakaranas po tayo ng ulan po sa ating watershed, kaya po bahagya po niyang napabagal po iyong pagbaba po ng ating elevation sa Angat reservoir,” pahayag ni Dizon.
“So, itong mga ini-expect po natin na mga apat na bagyo ay ini-enhance po nitong ating tinatawag na habagat at magpaulan po sa ating mga watershed po sa Angat. So, sa mga ganitong buwan po kasi, Sir Aljo, hanggang September base na din po sa historical data natin ay nari-replenish naman po ng ating reservoir at tumataas po ang lebel,” dagdag ni Dizon.
Sakali man lumala ang tagtuyot dulot ng El Nino, maaring magbawas ng suplay ng tubig.
Nagkakaroon na rin aniya ng pag-uusap ngayon ang dalawang kompanya ng tubig na Maynilad at Manila Water para buksan ang cross boarder valve kung saan nagtutulungan ang mga ito sa pagsusuplay ng tubig.
Tiniyak naman ni Dizon na makatatanggap ng rebate ang mga customer na apektado ng madalas na water interruption.
Pakiusap ni Dizon sa publiko, patuloy na magtipid sa paggamit ng tubig lalot tatagal pa ang El Niño hanggang sa ikalawang quarter ng 2024.
Matatandaang simula kagabi, nagpatupad na ng siyam na oras na water interruption ang Maynilad.
Sabi ni Dizon, dahil sa mga naranang pag-ulan, maaring maibsan ang oras ng water interruption.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.