Dahil sa takot na baka siya’y patayin kaya nagpasyang sumuko na lamang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang kilalang drug lord sa Central Visayas.
Sa ulat ni Atty. Reynan Augustus, pinuno ng NBI field office sa lalawigan ng Bohol ay kanyang sinabi na isang tagumpay sa mga otoridad ang pagsuko ni Alvaro Direcho alyas “Barok”.
Si Direcho ang sinasabing kanang-kamay ng napatay na drug lord sa Las Piñas City noong June 17 na si Jeffrey “Jaguar” Diaz na numero unong supplier ng illegal drugs sa Central Visayas partikular na sa lalawigan ng Cebu at Bohol.
Kasamang napatay ng mga otoridad sa naganap na shootout ang driver ni Diaz na si Paul Igloria.
Si Direcho ay sinamahan ng kanyang asawa at ina nang sumuko sa mga tauhan ng NBI-Bohol kung saan ay kaagad siyang dinala sa NBI Headquarters sa Maynila.
Magugunitang mula noong May 10 ay umabot na sa mahigit sa limampung mga pinaniniwalaang drug personalities ang napatay sa magkakahiwalay na mga anti-illegal drugs operations ng mga otoridad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.