Taguig Mayor Lani Cayetano inihirit sa SC na imbestigahain si Makati Mayor Abby Binay
Hiniling ni Taguig City Mayor Lani Cayetano sa Korte Suprema na imbestigahan ang mga maling pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay kaugnay sa isyu ng land dispute sa pagitan ng dalawang lungsod.
Naghain si Cayetano sa SC ng urgent manifestation and motion hinggil sa kanyang naturang kahilingan.
Hiniling nito sa Kataastaasang Hukuman na magpalabas ng show cause order laban kay Binay.
Sa mga naunang pahayag, sinabi ni Binay na nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatakda ng oral arguments para sa the Fort Bonifacio Military Reservation areas.
Una nang naglabas ng desisyon ang SC ukol sa agawan ng lupa ng dalawang lungsod at ito ay pumabor sa Taguig City.
“While this claim turned out to be totally false, it appeared to support the social media posts about the proposed reopening of the case,” ani Cayetano.
Sa kumalat na social media posts, nakausap diumano ni Binay sina Pangulong Marcos Jr., First Lady Lisa Araneta-Marcos at Chief Justice Alexander Gesmundo at nangako diumano ang tatlo na tutulungan ang Makati City na mabuksan muli ang kaso.
Sinabi pa ni Cayetano na ipinahihiwatig sa social media posts na may nakikialam sa hudikatura sa pagsasabing: “That tends to put a cloud of doubt on the impartiality of the SC and the integrity of the judicial system.”
Noong nakaraang linggo, itinanggi na ni SC spokesperson Brian Keith Hosaka na may nalalaman siya ukol sa sinabing ipinalabas na utos ng Korte Suprema.
Nabanggit pa ni Cayetano na hindi ito ang unang pagkakataon na lumabag ang lokal na pamahalaan ng Makati dahil una na itong nadisiplina dahil naman sa “forum shopping.”
Diin pa nito, lubhang nakakabahala ang mga pangyayari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.