Defense pact ng Pilipinas at Japan kailangan aprubado ng Senado – Tolentino
Maaring kailangan na aprubahan ng Senado ang ikinukunsiderang defense agreement ng Pilipinas sa Japan, ayon kay Senator Francis Tolentino.
Sinabi ito ni Tolentino matapos mapa-ulat na diumano ay naghahanda na ang dalawang bansa para sa pagsasagawa ng preliminary consultations bago ang pormal na negosasyon para sa isang “Reciprocal Access Agreement” (RAA), ang isinusulong na Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
“If the primary nature of the agreement would be in a form of treaty, then it must be done precisely in accordance with the 1987 Constitution, and thus, must be ratified by members of the Senate,” paliwanag ng vice-chairman ng Senate Committee on Foreign Relations.
Sa ulat sa telebisyon, nabanggit ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa na malapit ng magsimula ang konsultasyon para sa negosasyon para sa naturang plano.
Kapag naaprubahan, maari nang magpalitan ng puwersa ang Pilipinas at Japan sa kanya-kanyang bansa para sa pagsasanay at iba pang operasyon.
Naniniwala si Tolentino na mapapalakas nito ang defense cooperation sa Indo-Pacific zone kasabay nang tumitinding tensyon sa South China Sea, partikular na sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.