2 US warships, nagpapatrol na sa Philippine Sea
Nagsimula na ng kanilang defense exercises ang dalawang US supercarrier strike groups sa Philippine Sea.
Ang mga nasabing strike groups na USS John C. Stennis (CVN 74) at USS Ronald Reagan (CVN 76) ang itinuturing na pinakamatibay at pinakamalakas na warships sa buong mundo.
Nakasaad sa pahayag ng US Pacific Command na habang nasa dagat ang kanilang mga barko, nagsagawa ng air defense drills, sea surveillance, replenishments at sea, defensive air combat training, long range strikes, at coordinated maneuvers ang kanilang mga strike groups noong Sabado.
Ayon kay Defense spokesperson Peter Paul Galvez, ito ang pagpapakita ng Estados Unidos ng kanilang “ironclad commitment” sa pagpapalaganap ng kapayapaan at kalayaan sa rehiyong kinabibilangan ng Pilipinas.
Gayunman, nilinaw ni Galvez na hindi sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang ginanapan ng mga operasyon ng US Navy.
Kakagaling lamang ng Stennis at ng Great Green Fleet sa isang trilateral exercise na tinawag na Malabar, na kinabibilangan ng US at Indian Navies, pati na ng Japan Maritime Self-Defense Force bago ito nag-link up sa USS Ronald Reagan sa Philippine Sea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.