Revilla may hirit sa pagkawala ng pondo sa GCash accounts
Mula Lunes ng gabi hanggang kaninang hapon, marami GCash users ang nabahala dahil wala silang access sa kanilang accounts at may mga ulat na nawala o nabawasan ang laman ng kanilang e-wallet.
Ito ang dahilan kayat hinimok ni Sen. Ramon ‘’Bong’’ Revilla Jr. on Tuesday, May 9, ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpatupad ng mas konkretong hakbang para sa mas maaasahang serbisyo mula e-wallet service providers.
Nagsimula ang isyu sa GCash kagabi at bumaha ng mga puna sa social media platforms bunga ng “unauthorized access” sa kanilang accounts na nagresulta sa pagkawala o pagkabawas ng kanilang pondo.
Binanggit na partikular ang mga reklamo ukol sa ilegal na pagkakalipat ng kanilang pondo sa ibat-ibang bank accounts.
“Hanggang sa oras na ito, wala pang malinaw na paliwanag na ibinibigay ang GCash. Hindi pwede yan. Dapat malaman ng mga users kung ano talaga ang nangyari dahil pera nila yan e. Pinaghirapan nila yan. Hindi sapat na nagbigay lang sila ng statement na basta ibabalik lang ang nawalang mga pera. Kung hindi na-hack, eh ano ba talaga nangyari? Bakit napunta sa piling mga bank accounts? Masisiguro pa ba natin na ligtas ang mga pera natin?” pagtatanong ng senador.
Dagdag pa niya: “Kawawa yung mga kababayan natin. Kung kailan kailangan nila yung pera nila, at saka biglang nawala. Eh paano kung may pinaglalaanan sila na kailangan mabayaran agad.”
Paalala lang niya na ang mga financial institutions, kasama na ang digital wallet providers, ay may obligasyon sa kanilang mga kustomer.
Diin ni Revilla dapat ay lubos na nakakatiyak ang mga kustomer na ligtas ang kanilang pera
“Dapat sinisigurado ng financial institutions katulad ng mga digital wallet providers na laging protektado at ligtas ang mga pondo na nilalagak ng publiko sa kanila. May fiduciary duty sila eh. They should exercise the highest degree of diligence para hindi nangyayari ang mga katulad ng nangyari nitong nakaraan,’’ paliwanag nito.
Kabilang sa mga reklamo ang pagkawala ng pinakamataas na P70,000 sa kanilang Gcash accounts.
Samantala, wala pang paliwanag ang GCash ukol sa pangyayari at ang tanging inilabas nilang pahayag ay maibabalik ang mga nawala o nabawas na pondo bago mag-alas-3 ng hapon kanina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.