Poe nais maimbestigahan sa Senado ang Panay power crisis
Pinaiimbestigahan ni Senator Grace Poe ang napapadalas na pagkawala ng kuryente sa Panay at Negros Islands.
Inihain ni Poe ang Senate Resolution 579 na layong silipin ang dahilan ng power outages sa mga isla ng Panay at Negros at hanapan ito ng solusyon para matapos na ang problemang kinakaharap ng mga residente doon.
Iginiit ng senadora ang kahalagahan na masilip ang sanhi ng grid disturbances sa mga isla na naiulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung saan itinuturo naman sa mga distribution utilities.
Nababahala ang namumuno sa Committee on Public Services sa idinudulot sa ekonomiya sa mga lalawigan dahil apektado na ng madalas na patay-sindi na kuryente, gayundin sa turismo at mga negosyo sa Panay island at sa Iloilo.
Malaki ang panghihinayang ng mambabatas dahil ngayon pa naman lumalakas ang turismo sa probinsya dahil sa pagdami na rin ng mga turistang bumibisita.
Maliban sa ekonomiya, pati aniya edukasyon, agrikultura, at mga residente sa kanilang kabahayan ay apektado na rin ng power interruption.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.