Mataas na presyo ng kuryente sa bansa binanatan ni Tulfo
Kinuwestiyon ni Senator Raffy Tulfo ang patuloy na napakataas na halaga ng kuryente sa bansa.
Aniya dapat ay bumaba na ang singil sa kuryente dahil bumagsak na ang presyo ng coal sa pandaigdigang-pamilihan.
Kumpara aniya sa ibang bansa sa Asya, ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na presyo ng kuryente kahit na isa lang ang pinagbabasehan ng presyo ng pag-angkat ng coal, ang Indonesian Coal Index at New Castle Index.
Noong Lunes nakipagpulong pa si Tulfo sa Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE).
Nasita ng senador ang dalawang ahensiya ukol sa isyu ng mataas na halaga ng kuryente sa Pilipinas.
“Kaya sobrang mahal ng kuryente sa Pilipinas ay dahil matagal na pala tayong piniprito sa sarili nating mantika ng mga gahamang energy generation company,” aniya.
Dagdag pa nito; “Kahit mura ang pagkabili ng suplay nila ng coal, sky is the limit sila kung tumaga para sa kita. Imoral na ang kanilang pagpatong ng tubo sa binibili nilang coal. Panahon na para pang-himasukan ng gobyerno ang iskandalosong sistemang pagnenegosyo ng mga kompanyang ito.”
Binanggit pa niya na kayat maraming dayuhang mamumuhunan ang umiiwas sa Pilipinas ay dahil sa napakataas na halaga ng kuryente.
Inamin naman ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na tama ang obserbasyon ng senador.
Ani Dimalanta binusisi na nila sa mga supplier ng kuryente ang pinagbabasehan ng kanilang presyuhan at isa ang nangatuwiran na ito ay “confidential.”
Ikinapikon ito ni Tulfo kayat sinabi ni Dimalanta na padadalhan nila ng show cause order ang naturang power generation company.
Sa bahagi naman ng DOE, nangako ang kagawaran na didisiplinahin ang mga mapang abusong kompaniya ng kuryente at ipag uutos ang refund sa mga konsyumer kung may pagbabasehan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.