Krisis sa kuryente sa Occidental Mindoro nais ipasilip ni Gatchalian sa Senado
By Jan Escosio April 26, 2023 - 07:52 AM
Hiniling ni Senador Sherwin Gatchalian na maimbestigahan sa Senado ang krisis sa suplay ng kuryente sa Occidental Mindoro.
Sa inihain na Senate Resolution 576 ni Gatchalian, inaatasan ang kaukulang komite sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon para malaman ang short, medium at long-term solutions sa nararanasang energy crisis sa lalawigan.
Si Senador Raffy Tulfo ang kasalukuyang namumuno sa Committee on Energy.
Samatala, ang Occidental Mindoro Electric Cooperative Inc. (OMECO) ang siyang nagsusuplay ng kuryente sa mga bayan ng Abra de Ilog, Mamburao, Sta.Cruz, Sablayan, Calintaan, Rizal, San Jose at Magsaysay.
Batay sa pinakahuling Supply and Demand Outlook ng OMECO, ang lalawigan ng Occidental Mindoro ay mayroong power supply deficit na 15 megawatts sa buong araw.
Bunsod din ng nasabing kakulangan sa suplay ng kuryente ay nagpatupad ang OMECO ng daily rotational power schedule sa probinsya kung saan ang bawat bayan ay nagkakaroon lamang ng kuryente sa loob ng tatlo at kalahating oras araw-araw.
Dahil sa problema ay idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Occidental Mindoro ang ‘state of calamity’ sa lalawigan dulot ng mga pinsalang idinudulot ng matagal na “brownout.
Maliban dito, sa kabila ng mga hakbang ng mga ahensya ng gobyerno na resolbahin ang power crisis sa Occidental Mindoro ay nagpapatuloy pa rin ang nasabing problema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.