Heat stroke ibinabala ni Sen. Loren Legarda ngayon tag-init
By Jan Escosio April 03, 2023 - 06:23 PM
Nagbabala si Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa publiko ukol sa “heat stroke” ngayon nakakaranas ng matinding init ang bansa.
Aniya kailangang maglatag na ng agarang mga aksyon para tugunan ang banta dulot ng mataas na temperatura kabilang ang malawakang information campaign ukol sa first aid measures sa heat stroke, pagpapadala ng mga LGUs ng babala tungkol sa init sa pamamagitan ng text messages sa mga nasasakupan at pagpapatunog ng siren warnings kapag ang temperatura ay humantong na sa “dangerous level.”
Pinatututukan din sa mga lokal na pamahalaan ang kalagayan ng mga outdoor-field workers na babad sa bilad ng araw dahil sa kanilang trabaho bago pa man maging banta ang sobrang init sa kanilang kalusugan at kapakanan.
Kasama sa iminumungkahi ng senadora para mabawasan ang nararamdamang init ay ang pagtatanim ng mga maliliit na puno sa bawat lugar tulad ng kamuning at banaba na mabilis lamang patubuin at makakatulong sa pagpapabuti ng kalidad ng hangin.
Isinusulong din ni Legarda ang pag-amyenda sa batas na Land Use Development and Infrastructure Plan (LUDIP) sa mga state universities and colleges (SUCs) kung saan isasama rito ang mandato para sa biodiversity improvements tulad ng mga puno dagdag pa rito ang pagtutulak ng dagdag na panukala para sa green campuses sa primary at secondary levels.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.