PPA handa na sa “Oplan Biyaheng Ayos” ng Semana Santa
Nagpapatupad na ang Philippine Ports Authority (PPA) ng “full manpower” bilang paghahanda sa paggunita sa Semana Santa sa bansa sa susunod na linggo.
Sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago nangangahulgan ito na epektibo ang “No Leave Policy” sa kanilang mga tauhan dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.
Aniya epektibo ito simula sa darating na Lunes, Abril 3 hanggang Abril 10 at sakop nito ang lahat ng kanilang mga tauhan, partikular na ang nasa “frontline services.”
Bukod dito, sinabi pa ni Santiago na nasa “heightened alert ” status ang kanilang security personnel para bantayan ang daan-daang libong bibiyaheng pasahero.
Pagbabahagi niya, sa paggunita ng Semana Santa noong nakaraang taon, umabot sa 1.3 milyon ang mga pasahero sa pantalan mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay.
Ngayon taon, pinaghahandaan ang posibilidad na madoble ang bilang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.