Hirit na extension sa paghahain ng SOCE, dapat ibasura- Comelec exec
Inirekomenda ng campaign finance office ng Commission on Elections na ibasura ang hiling ng Liberal Party at ng standard bearer nito na si Mar Roxas na i-extend ng 14 na araw ang paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ng partido.
Sa memorandum na inilabas ni Comelec Commissioner Christian Robert Lim na pinuno ng campaign finance office o CFO, kanyang inirerekomenda sa en banc na i-deny ang hiling na palugit ng LP at ni dating Sec. Roxas.
Sa memorandum, ipinaliwanag na malinaw na nakasaad sa Republic Act 7166 o ang Synchronized Elections Law na obligadong magpasa ng SOCE ang lahat ng tumakbo , 30 araw matapos ang eleksyon.
Paulit-ulit na aniyang binanggit na June 8 ang deadline ng filing ng SOCE at maging sa mga certificates of candidacy o COC ay nakasaad ito.
Hindi katanggap-tanggap ang rason ng LP at ni Roxas na nakalilito ang mga bagong requirements ng Comelec , at libu-libong pahinang supporting documents ang kailangan pa nilang ayusin kaya hindi sila nakapaghain ng SOCE.
Bukod dito, tanging ang kampo lamang ng Liberal Party at ni Roxas ang hindi nakatugon sa direktibang ito ng Comelec.
Ngayong araw, idadaan Comelec en banc ang rekomendasyon ng CFO at dedesisyunan ng pitong miyembro ng komite.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.