Lumubog na MT Princess Empress hindi pa dapat naglayag
By Jan Escosio March 14, 2023 - 03:42 PM
Si Senator Cynthia Villar na mismo ang nagbunyag na hindi pa dapat naglayag ang lumubog na MT Princess Empress.
Sa pagdinig ukol sa oil spill incident sa Oriental Mindoro, ibinahagi ni Villar na base sa ulat mismo ng Maritime Industry Authority (Marina), walang ‘authority to operate’ ang lumubog na tanker.
Ito ay dahil hindi pa ito sakop ang MT Princess Empress ng inamyendahang ‘certificate of convenience’ o CPC ng RDC Reiled Marine Services.
Pagbabahagi ni Marina Administrator Atty. Hernani Fabia dapat ay may pagdinig ngunit kulang pa ang dokumento ng RDC at sa kabila nito siyam na beses nang itong nakapaglayag hanggang Bataan.
Dagdag pa ni Fabia, nagbibigay sila ng temporary permit habang nakabinbin ang CPC, ngunit hindi humirit ang RDC.
Sa nasabi din pagdinig ng Senate Committee on Environment, inamin ni RDC Vice President Fritzie Tee na noong nakaraang taon lamang nila binili ang MT Princess Empress, Nobyembre nang ilista nila ito sa kanilang CPC at sa sumunod na buwan ay naisumite na nila ang lahat ng mga kinakailangan na dokumento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.