Pagpatay ng ASG kay Hall, kinondena ng ARMM Governor
Mariing kinondena ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman ang pagpatay ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa bihag nitong Canadian na si Robert Hall.
Ayon kay Hataman, labis aniya niyang ikinalungkot ang pangyayari, kaya nananawagan siya sa mga kapwa niya Muslim na magkaisa at muling buuin ang kanilang pananampalataya na pilit binubuwag ng iba.
Aniya pa, napakawalang saysay ng ganitong mga karahasan at terorismo.
Nakakadismaya rin aniya dahil naganap ang mga karahasan dito sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo isang linggo makaraang mag-simula ang banal na buwan ng Ramadan.
Wala na aniyang pakundangan ang paglabag ng mga extremists sa mga aral ng relihiyong Islam, at ginagamit pa nila ito para lamang bigyang katwiran ang kanilang mga karahasan.
Hindi man lang aniya binigyang respeto ng mga ito ang panahon ng Ramadan kung kailan dapat isinasantabi nila ang ibang bagay at ilaan ang kanilang oras sa pagdarasal.
Giit pa ni Hataman, hindi ito ang ibig sabihin ng Islam at ang mga miyembro ng Abu Sayyaf ay pawang mga tao ng kasalanan na sumisira sa kanilang pananampalataya na dapat ay nangangahulugan ng kapayapaan.
Bilang mga Muslim, naniniwala aniya sila na ang pagpatay sa isang tao ay pagpatay na rin sa buong sangkatauhan, at ang pag-sagip sa isa ay pagsagip na rin sa lahat.
Marapat lang din aniya na magtulungan silang lahat na mga Muslim para mapanagot ang mga gumagawa ng ganitong krimen at karahasan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.