Hinimok ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang Commission on Elections (Comelec) na muling pag-aralan ang plano nito na magsagawa ng botohan sa mga shopping mall, sa 2016 presidential elections.
Inamin ni Evardone na may ilang pangamba siya sa naturang balak ng Comelec, lalo’t isasagawa ito sa pampanguluhang halalan.
Masyado aniyang mabigat ang pangangailangan sa seguridad para sa Presidential Elections, na dapat isaalang-alang.
Posibleng maging sakit sa ulo din ng mga otoridad kung sa mga shopping mall gagawin ang botohan, lalo’t bukas na bukas ang mga ito sa publiko at mahirap ang kontrol sa pagpasok ng mga tao.
Dagdag ni Evardone, baka maimpluwensyahan pa ng mayayamang mall owners ang halalan, lalo kung supporter ang mga ito ng mga kandidato.
Kaya para sa kongresista, mas mainam pa kung paiiralin na lamang ng Comelec ang orihinal na sistema sa pagdaraos ang botohan sa mga silid-aralan ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Pero para kay Comelec Chairman Andres Bautista, mas maiiwasan pa nga ang aberya at karahasan kapag nasa loob ng mall ang mga botante at doon gagawin ag pagboto.
Paliwanag ni Bautista sa panayam sa Radyo Inquirer, malakas ang signal ng internet sa mga mall at hindi magkakaroon ng brownout dahil lagi silang may nakahandang mga generator sets.
Sinabi pa ni Bautista na maiiwasan ang init ng ulo ng mga tao dahil maluwag at maayos sa loob ng mga mall, hindi kagaya ng sa mga silid-aralan na “congested” na o siksikan dahil sa dami ng botante sa bawat presinto.
Samantala, bagaman natutuwa si Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Chairperson Henrietta De Villa sa nasabing panukala, ay mayroon pa rin itong mga agam-agam.
Ayon kay De Villa dapat maging maingat ang Comelec sa pagdedesisyon kaugnay sa isyu dahil nakasaad sa batas na ang mga polling precincts na gagamitin sa kapag eleksyon ay hindi dapat privately owned./ Isa Avendaño-Umali, Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.