Dagsa ng mga motorista sa NLEX at SCTEX inaasahang ngayong weekend
Dahil sa Lunes na, June 13 ang unang araw ng pagbabalik sa klase ng mga estudyante sa pampublikong paaralan, inaasahan na ang dami ng mga motorista na magsisibalikan sa Metro Manila.
Dahil dito, pinaghahandaan na ng North Luzon Expressway (NLEX) at Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) ang pagdami ng mga motoristang dadaan sa nasabing mga lansangan ngayong weekend.
Ayon sa NLEX-SCTEX traffic operations, magtatalaga sila ng dagdag na mga tauhan para umasiste sa mga motorista at matiyak na mamamanduhan ng maayos ang daloy ng traffic sa Sabado at Linggo.
Sa June 12 naman at June 13, magdaragdag ng patrol vehicles sa bahagi ng Tarlac at Tipo.
Gagamit din ng portable toll collection units ang NLEX at SCTEX sa Bocaue Toll Plaza Southbound para maiwasan ang paghaba ng pila ng mga sasakyang magbabayad ng toll.
Bunsod ng pagsisimula ng klase sa Lunes, inaasahang ang mga estudyante kasama ang kanilang pamilya na nagbakasyon sa mga lalawigan ay magsisibalikan sa Metro Manila ngayong weekend.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.