Duterte sa mga mambabatas: ‘Huwag kayong hahadlang sa plano ko’
Binalaan ni incoming President Rodrigo Duterte ang mga mambabatas na huwag nang tangkain pang imbestigahan siya kaugnay sa laban niya kontra droga at kriminalidad.
Sa kaniyang talumpati sa pribadong thanksgiving party para sa kaniya sa Cebu, sinabi ni Duterte na kinausap niya na ang ilang mga mambabatas tungkol dito, pati na si presumptive House Speaker Pantaleon Alvarez.
Pinaalalahanan niya aniya ang mga ito na huwag nang magkamali pang imbestigahan sa Kongreso ang kaniyang mga magiging hakbang laban sa krimen.
Ayon pa kay Duterte, gagawin lamang niya kung ano ang tama, hangga’t ito rin ang katotohanan.
Ngunit, itinanggi naman ni Alvarez na binalaan ni Duterte ang mga papasok na mambabatas na huwag siyang pakikialaman sa kaniyang laban kontra krimen.
Ayon kay Alvarez, nagpahayag na si Duterte na hangga’t maaari ay ayaw niyang makialam sa Kongreso.
Samantala bukod sa mga mambabatas, binalaan rin ni Duterte ang mga namamahala sa mga piitan partikular na sa National Bilibid Prison (NBP) kung saan mistulang hari pa ang mga kriminal at talamak ang supply ng iligal na droga.
Panawagan niya sa mga opisyal, resolbahin agad ang problemang ito kung ayaw nilang siya ang gumawa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.