Pangulong Marcos sa mga Pinoy: Maging mapagmatyag sa mga problema ng bayan
Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sambayanang Filipino na gayahin ang kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa paggunita sa ika-159 na kaarawan ni Bonifacio sa Monumento, Caloocan City.
Nag-alay din ng bulaklak ang Pangulo sa bantayog ni Bonifacio.
Dapat aniyang maging masunurin ang bawat Filipino.
Sinabi pa ng Pangulo na dapat na maging mapagpatyag ang bawat isa sa mga problema na kinakaharap ng bayan at sa mga banta sa kalayaan ng Pilipinas.
“Ang pagsariwa sa ala-ala ni Gat Andres at ng iba pang mga bayani ay mahalaga upang pagyamanin natin ang ating pagpapahalaga at pang-unawa sa ating kasaysayan, na siyang nagsisilbing gabay tungo sa mas magandang kinabukasan,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na mananatiling nakaukit sa kasaysayan ng Pilipinas ang pangalan ni Bonifacio hindi lamang dahil sa kanyang pamumuno sa rebolusyon para makamit ang kalayaan ng bansa kundi sa hindi matatawarang tapang at pagmamahal sa bayan.
Ayon sa Pangulo, sa pamamagitan kasi ng kaniyang makatuwirang paninindigan at ipinaglalaban, hinarap ni Bonifacio mga dayuhang mananakop na nagpahirap sa mga Filipino sa mahigit 300 taon.
Ayon sa Pangulo, tunay na katangi-tangi ang ipinamalas katapangan ni Bonifacio, — isang uri ng tapang na hindi sumusuko kahit sa gitna ng panganib, matiyak lamang ang interes ng bayan at ng bawat mamamayang flipino.
“Kaya’t hinihikayat ko ang aking mga kapwa Pilipino na patuloy na parangalan si Bonifacio at ang lahat ng mga bayaning Pilipino, kilala man o hindi, na nag-alay ng kanilang buhay upang matiyak ang kalayaan at pagkakakilanlan na siyang ipinagmamalaki natin ngayon. Bilang mga tagapagmana ng kalayaang kanilang ipinaglaban, tungkulin natin bilang mga Pilipino na panatilihing buhay ang diwa ng kanilang mga layunin at siguruhing mapayapa, malaya, at masagana ang ating sambayanan,” pahayag ng Pangulo.
Dagdag ng Pangulo, dapat na pagsumikapan ng bawat Filipino na maging pinakamahusay na uri ng sarili, na maging Filipino na ang katapatan at pagmamahal sa bayan ay kapares ng mga bayaning tulad ni Bonifacio.
“Magagawa po natin ito sapagkat katuwang natin ang ating mga makabagong bayani—ang ating mga doktor, mga nars, mga sundalo, mga pulis, OFWs, at ang bawat Juan at Juana—na buong pusong naglilingkod para sa kapwa,” pahayag ng Pangulo.
“Habang patuloy tayong nakikibaka sa mga hamon ng modernong panahon, nawa’y maging halimbawa si Bonifacio at ang ating mga bayani, noon at ngayon, upang mag-tagumpay tayo sa ating mga hangarin,” pahayag ng Pangulo.
Dumalo rin sa paggunita sa kaarawan ni Bonifacio sina National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chairman Rene Escalate, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro, Senador Robinhood Padilla, Senador Sherwin Gatchalian, Transportation Secretary Jaime Bautista, Caloocan Congressman Oscar Malapitan at Caloocan City Mayor Dale “Along” Malapitan.
“Sama-sama nating harapin ang mga hamon ng panahon ngayon ng may pagmamahal sa bayan, determinasyon, tapang, [at] karangalan upang maitaguyod natin ang isang Pilipinas na tunay na nais natin ipagmalaki,” pahayag ng Pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.