P2B pondo ng DENR ipapalipat ni Sen. Raffy Tulfo sa National Children’s Hospital
By Jan Escosio November 21, 2022 - 10:25 PM
Desidido si Senator Raffy Tulfo na ipaglaban ang paglilipat ng P2 bilyon sa pondo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa National Children’s Hospital (NCH).
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni kalunos-lunos ngayon ang kondisyon ng naturang ospital, kalagayan ng mga batang pasyente, maging ng meical staff.
Pagbabahagi ng senador, sira-sira na ang pasilidad, walang tamang bentilasyon at kulang na kulang ang medical personnel.
Dagdag pa niya, inaabot ng tatlong taon bago makapag-therapy ang mga pasyente dahil ang Therapy Room ng NCH ay kalahati lamang ang laki sa mga palikuran ng Senado.
Ikinalungkot din ni Tulfo na walang mga opisyal ng gobyerno ang bumibisita sa naturang ospital.
Gayunpaman, sinasaluduhan ng senador ang medical staff na sa kabila ng kanilang kondisyon at sitwasyon ay patuloy ang panggagamot at pag-aalaga sa mga batang pasyente.
Kayat apila niya sa mga kapwa mambabatas sa Mataas na Kapulungan na suportahan ang kanyang nais na mailipat na lamang sa NCH ang P2 bilyon sa pondo ng DENR.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.