Telcos inatasan ng NTC na ihanda ang mga tauhan at kagamitan sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Paeng
By Chona Yu October 28, 2022 - 03:30 PM
Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng public telecommunications entities na tiyakin na handa sa pinsalang maaaring idinulot ng bagyong Paeng. Ayon sa NTC, base sa forecast ng PAGASA, maaaring maapektuhan ng bagyo ang Visayas, Southern Luzon, at northern at western portions ng Mindanao. Sa inilabas na memorandum ni NTC Commissioner Attorney Ella Lopez, iniutos nito ang pagtitiyak na mayroong sapat na bilang ng technical at support personnel, standby generators na may extra fuel, at iba pang gamit sa mga lugar na tinamaan ng bagyo. Iniutos din ni Lopez na madaliin ang repair at restoration ng telecommunication services kung mayroong naapektuhan ng bagyo. Kasabay nito ay inatasan din ni Lopez ang mga network company na magtalaga ng Libreng Tawag at Libreng Charging Stations sa mga naapektuhang lugar. Samantala, sa hiwalay na memorandum, inatasan ni Lopez ang lahat ng regional directors na makipagtulungan sa ibang ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyo para sa Undas. Inatasan ni Lopez ang mga opisyal na makipag-ugnayan sa NDRRMC, Civic Action Groups, at Amateur Radio Groups na magkakasa ng public assistance operations sa Undas. Pinayagan din ang mga regional director ng NTC na magpalabas ng temporary permits at licenses para masiguro ang pagbibigay ng tulong at pagtitiyak ng kaligtasan ng publiko. Inatasan ang regional offices ng NTC na i-monitor ang operasyon ng CAGs at ARGs sa kani-kanilang hurisdikasyon at magsumite ng updated report kay Cordoba. (DDC)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.