DPWH kinalampag ni Sen. Bong Revilla dahil sa bumagsak na tulay sa Pangasinan
By Jan Escosio October 25, 2022 - 10:12 AM
Hiniling ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na regular na suriin ang lahat ng mga pampublikong imprastraktura sa bansa.
Labis na ikinadismaya ng senador ang pagbagsak ng Romulo Bridge sa Pangasinan.
Paniwala ni Revilla, maaring naiwasan ang nasabing trahedya kung ginawa lang ng DPWH ang kanilang trabaho na tiyaking palaging nasa maayos na kondisyon ang mga imprastraktura.
Hindi kasi aniya ito ang unang pagkakataon na may bumagsak na tulay o may napaulat na nasirang imprastraktura na nasa ilalim ng ahensya.
Hiniling ng namumuno sa Senate Committee on Public Works sa kagawaran na maging proactive sa auditing at inspection ng katatagan at tibay ng lahat ng mga public infrastructures.
Aniya hindi dapat hinihintay na magkalindol, bagyo o iba pang sakuna bago maisip na kumilos ng kagawaran.
Maging ang mga lumang infrastructure ay dapat regular na sumasailalim sa retrofitting o pagsasaayos upang manatiling nakakasunod sa standards ng ligtas at matibay na imprastraktura.
Umapela rin ang senador sa ahensya na agad ayusin ang mga nasirang tulay upang hindi mapilay ang transportasyon at komersyo sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.