Programang pabahay ng PBBM-administration malabo na maikasa – DHSUD
Limitado ang pondo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kayat nanganganib na maisakatuparan ang programa para sa pabahay ng administrasyong-Marcos Jr., sa susunod na taon.
Sa pagdinig para sa 2023 budget ng DHSUD nabatid na mula sa P7.61 bilyon ngayon taon, bumaba pa sa P3.95 bilyon ang 2023 budget ng kagawaran.
Kayat naitanong ni Sen. Robinhood Padilla kay Sec. Jose Acuzar paano maitatayo ang isang milyong housing units kada taon sa kakarampot na pondo.
Bunga nito, nakiusap si Acuzar sa Senado na pagbigyan ang hirit na P36 bilyong karagdagang pondo para sa programang pabahay.
Sa ngayon, may anim na milyon ang kakulangan sa pabahay.
Ang target na isang milyong housing units ay nangangailangan ng P1 trilyong pondo.
Nabanggit ni Acuzar na inaprubahan na ni Pangulong Marcos Jr., ang panukala na makipagtulungan ang kagawaran sa pribadong sektor para sa pagpapatayo ng mga murang pabahay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.