First 100 days ni Gob. Doktora Helen Tan: Tumutugon sa mga serbisyo, maayos na QMC itinampok
Inilatag ni Quezon Governor Helen Tan ang mga programang nagawa sa probinsya sa unang 100 araw na panunungkulan.
Ayon sa kauna-unahang gobernadora ng probinsya ng Quezon, maayos niyang naihatid ang health services sa Quezon Medical Center (QMC) mula nang kanyang ipag-utos ang mga bagong polisiya at sistema sa pagpapatakbo ng ospital.
Tampok din sa kanyang mga nagawa ang pagtatayo ng Provincial Government Satellite Offices sa lahat ng lungsod at bayan sa lalawigan para sa mas mabilis at maginhawang paglalaan ng assistance sa mga nangangailangan.
Sa kanyang first 100 days address na ginanap sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan na pinangunahan ni Vice Gov. Third Alcala, hindi naitago ni Tan ang mga problemang kanyang kinaharap noong kanyang pag-upo sa kapitolyo.
“We presided over the province one hundred days ago that is deep in debt and in financial disarray – isang lalawigang may malaking pagkakautang at masalimuot na pananalapi ang sa atin ay bumulaga”, paliwanag ng gobernadora.
Kanyang iniulat ang P1.1B na pagkakautang ng lalawigan na ginamit para sa mga proyektong hindi pa napapakinabangan o di naman kaya ay walang malaking pakinabang sa mamamayan.
Bilang bahagi ng pagsasaayos ng pananalapi ng lalawigan, kanya rin ipinag-utos ang pagtatayo ng price monitoring committee sa ilalim ng General Services Office at ang pagtiyak na ang halaga ng lahat ng purchase requests ay alinsunod sa presyo sa merkado upang makatipid at maiwasan ang katiwalian.
Ibinida rin ni Tan ang agad na paghahanda at paghahatid tulong ng kapitolyo para sa mga nasalanta ng Super Bagyong Karding kung saan humigi’t-kumulang P37M ang naipamahagi bilang financial assistance sa mga biktima.
Ang kanyang talumpati ay mainit na tinanggap ng Sangguniang Panlalawigan at binigyang pugay ng iba’t-ibang mga sektor. Ito ay dinaluhan ng mga opisyal mula sa national government agencies, local government units, non-government organizations, people’s organizations at private sector.
“I am never as inspired and as committed as I am now because I know that in spite of the difficulties, in the face of the obstacles, and amid the challenges – change is possible, change can happen, and the people are rooting for us to make this change come true,” ani Gob. Helen.
Dagdag pa niya, “Sa gitna ng mga hamon at suliranin na ating kinakaharap, unti-unti nating binibigyang daan ang mga pagbabagong inaasam at inaasahan ng mamamayan”.
Binigyang diin ni Tan na matapos ang first 100 days, meron na lamang natitirang isang libong (1,000) araw upang gawin ang mandatong ipinagkatiwala ng mamamayan, “A progressive and healthy Quezon Province as the prime agri-tourism destination in the region by 2030, uplifted by reliable and inclusive services, competent leadership, and empowered citizenry.”
Sa pagtatapos ng kanyang ulat para sa unang isang daang araw, pormal nang isinumite ni Gob. Helen sa Sangguniang Panlalawigan ang napagkasunduang Executive-Legislative Agenda (ELA) kung saan napapaloob ang kanyang mga programa, proyekto, at inisyatibang gagawin sa natitirang mga araw ng kanyang unang termino sa pamamagitan ng kanyang platapormang HEALING na tumatayo para sa Health, Education, Agriculture, Livelihood, Infrastructure, Nature and Environment/Tourism, at Good Governance.
Hiniling rin niya sa Sanggunian ang mabilis na pagpasa ng mga kinakailangang ordinansa at resolusyon tulad na lamang ng ordinansa para sa Universal Health Care (UHC) sa Quezon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.