EO para sa isang taong moratorium sa pagbabayad ng utang ng mga magsasaka, nilagdaan ni Pangulong Marcos
Tinupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanuang pangako sa unang State of the Nation Address na palayain na sa mga utang ang mga agrarian reform beneficiaries.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Marcos ang isang executive order na nagpapataw ng isang taon na moratorium sa mga pagbabayad sa taunang amortisasyon at pagbabayad ng interes ng mga ARB para sa mga lupang agrikultural na ipinamahagi sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Nilagdaan ng Pangulo ang EO kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-65 na kaarawan ngayong araw.
Sinabi ng Pangulo na ang isang taong moratorium sa land amortization at pagbabayad ng interes ay makatutulong sa pag-alis ng pasanin sa mga ARB mula sa kanilang mga utang, na magbibigay-daan sa kanila na gamitin sa halip ang pera sa pagpapaunlad ng kanilang mga sakahan, pakinabangan ang kanilang kapasidad na gumawa at magsulong ng paglago ng ekonomiya.
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na ang executive order sa moratorium ay bilang paghahanda sa panibagong katuparan ng pangako ng Pangulo, na humihiling sa Kongreso na magpasa ng batas na alisin na ang mga utang ng ARB na mayroong hindi pa nababayarang amortisasyon at interes.
“Lagi nating iniisip ang kapakanan ng mga magsasaka. Ang isang taong moratorium at condonation ng pagbabayad ng utang ng mga magsasaka ay hahantong sa kalayaan ng mga magsasaka sa pagkakautang,” ani Estrella.
Nagpahayag siya ng kagustuhang makipagtulungan sa House of Representatives sa pag-amyenda sa Section 26 ng Republic Act 6657, o ang Comprehensive Agrarian Reform Law ng 1988.
“Ang condonation ng umiiral na agrarian reform loan ay sasakupin ang halagang PhP58.125 bilyon kung saan makikinabang ang humigit-kumulang 654,000 ARBs at kinasasangkutan ng kabuuang 1.18 milyong ektarya ng mga lupang naipamahagi,” ani Marcos sa kanyang unang SONA.
Ang Seksyon 26 ng Republic Act 6657, ay nag-aatas sa mga ARB na pinagkalooban ng mga lupain na magbayad sa Land Bank of the Philippines sa 30 taunang amortisasyon sa anim na porsyentong interes kada taon.
Sinabi ni Marcos na sa ilalim ng panukalang batas, ang mga pautang ng mga ARB na may hindi nabayarang amortisasyon at interes ay papatawarin na at burahin na ang mga hindi pa nababayarang utang ng mga magsasakang-benepisyaryo ng repormang agraryo.
“Ang mga ARB na tatanggap pa rin ng kanilang mga iginawad na lupa sa ilalim ng CARP ay tatanggap nito nang walang obligasyon na magbayad ng anumang amortisasyon,” ani Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.