Paghihirap ng publiko sa LTO offices, hindi naibsan

September 12, 2022 - 11:29 AM

Nitong mga nakaaraang linggo, napuno ang mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO), sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ng mga iritableng customer dahil sa mahabang pila at kaliwa’t kanang abiso na nagsasaad na “offline” ang information technology (IT) portal ng ahensya na Land Transportation Management System (LTMS) na gawa ng banyagang IT contractor.

Unang naranasan noong mga huling araw ng Agosto ang pagbabagal ng LTMS.

Nagdulot pa ito ng pagkaantala ng serbisyo ng LTO sa pagbibigay ng lisensya at rehistro ng mga sasakayan sa iba’t ibang rehiyon, kabilang na ang National Capital Region (NCR).

Ayon sa hepe ng LTO-Makati District Office na si Marinette Abarico, sa isang panayam sa media, ito na ang pinakamalalang pagbabagal ng LTMS na kanilang naranasan.

Ramdam din ang kaparehong problema sa Davao, ayon sa hepe ng LTO-Davao South District Office na si Melencio Diaz.

Aniya, kinakailangan pang mag-overtime ng ilan sa mga empleyado kahit na rest day o holiday nang walang bayad para lang matugunan ang isang buwang backlog sa vehicle registration. Ang nakalulungkot pa aniya, ang mga empleyadong ito ay nakatatanggap pa ng masasakit na salita mula sa mga dismayadong kliyente.

Pinakita rin sa ilang report ng media nitong nakaraang linggo ang hirap na dinaranas ng ilang motorista sa pakikipagtransaksyon sa LTO.

Sa pamamagitan naman ng social media inilabas ng ilan ang kanilang mga hinaing.

Nauna nang humingi ng paumanhin si LTO chief Asec. Teofilo Guadiz dahil sa pagbabagal ng LTMS at sinabing ang dahilan ng problema ay ang sistemang ginawa ng kanilang dayuhang IT contractor na Dermalog.

Itinanggi naman ito ng Dermalog at sinabing tila may nagsasabotahe sa loob mismo ng LTO kaya nagkaroon ng pagbabagal.

Matatandaang noong 2018 ay nakuha ng Dermalog ang P3.4 billion Road IT project na naglalayong pabilisin ang transaksyon sa LTO gamit ang digital solutions. Ang halagang ito ay kabilang sa Component A ng naturang proyekto na may kinalaman sa pagbuo ng LTMS at hiwalay pa sa Component B na nagkakahalaga naman ng P4.8 billion. Sinabi ng Commission on Audit (COA) na nagkaroon ng “undue payment” ang LTO sa Dermalog dahil hindi pa natatapos ng dayuhang IT contractor ang deliverables nito na siyang dahilan ng mga aberya sa ahensya ngunit sila ay nabayaran na. Kinumpirma ng tagapagsalita ng Dermalog na si Atty. Nikki de Vega, sa isang panayam, na nakatanggap na ng halos P3 bilyong kabayaran ang foreign IT company mula sa gobyerno.

Nagpasaklolo na ang LTO sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para masolusyunan ang problema sa LTMS.

Habang hindi pa ito nareresolba, humahanap muna ng alternatibong solusyon ang LTO at humihingi ng paumanhin sa mga motorista na nagtitiis sa pila at ilang beses nang bumalik sa mga tanggapan ng ahensya.

TAGS: Dermalog, InquirerNews, IT contractor, lto, RadyoInquirerNews, Dermalog, InquirerNews, IT contractor, lto, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.