LGUs hinimok na mas maging aktibo sa anti-dengue drive
Hinikayat ni Interior Secretary Benhur Abalos, Jr. ang mga lokal na pamahalaan na magkasa ng pinalakas na kampaniya laban sa dengue.
Pinuna ni Abalos ang nakakaalarmang paglobo ng kaso ng sakit na nagmumula sa lamok.
Dagdag pa ng kalihim, kailangan ang mas maigting na kampaniya dahil na rin sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa mga paaralan.
“LGUs must take a proactive stance and implement strategies to protect our people in the communities from this deadly disease. Hindi na po tayo bago sa dengue outbreak at napagtagumpayan na natin ito. Sa pangunguna ng mga LGU sa pamayaman, malalagpasan ulit natin ito,” aniya.
Suhestiyon nito, paganahin ang Aksyon Barangay Kontra Dengue (ABKD) sa mga komunidad para maging aktibo ang partisipasyon ng mamamayan laban sa sakit.
Aniya, noon pang 2012 sinimulang ikasa ang ABKD at inaatasan nito ang mga punong barangay na pangunahan ang paglilinis sa kanilang lugar katuwang ang Barangay Health Emergency Response Team at Barangay Health Workers.
Base sa datos mula sa Department of Health (DOH), nakapagtala na ng 118,785 dengue cases sa bansa mula Enero 1 hanggang Agosto 13 sa taong 2022.
Ito ay mataas ng 143 porsiyento kumpara sa naitalang 48,867 kaso na naitala sa katulad na panahon noong nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.