Pangulong Marcos, hinimok ang publiko na palakasin pa ang Wikang Filipino
Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang publiko na patatagin at palakasin pa ang Wikang Filipino.
Pahayag ito ng Pangulo sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
“Napapanahong paalalahanan natin ang ating mga sarili na ang Filipino ay hindi limitado sa mga salitang likas lamang sa Tagalog, bagkus ay isang kalipunan ng iba’t ibang wika sa buong kapuluan, na naglalayong magbuklod sa ating lahat tungo sa pagsulong ng mas maunlat at nagkakaisang Republika,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na ang matatag na pundasyon ng Wikang Filipino ang bantayan ng paglakas ng kultura.
“Ngayon, higit kailanman, panatilihin nating matatag ang ating lingwistikong pundasyon sa Filipino, dahil ang sarili nating wika ang ating magiging batayang lakas sa paglinang sa ating kultura habang nakikiayon sa agos ng makabagong panahon. Isaisip at isapuso natin na tayo lamang ang makapagpapatibay ng wikang taal sa ating pagkakakilanlan,” pahayag ng Pangulo.
“Inaasahan ang bawat isa na makilahok sa intelektuwalisasyon ng Filipino, nang sa gayon ay mabago na sa ating kamalayan na ang pagsasalita ng banyagang wika ay hindi ang natatanging pamantayan ng karunungan. Tiyak na sasagana, sisigla, at liliwanag ang ating kinabukasan kung itataguyod natin nang buong dangal at pagmamahal ang ating wikang pambansa,” pahayag ng Pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.