Bilang ng nasawi dahil sa M7.0 quake, umakyat na sa lima

By Angellic Jordan July 27, 2022 - 07:16 PM

BFP photo

Umakyat na sa lima ang bilang ng mga nasawi dahil sa tumamang magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Ayon kay OCD Deputy Administrator for Operations, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, base sa datos hanggang 6:00, Miyerkules ng gabi, limang katao na ang nasawi kung saan apat ang naitala sa Cordillera Administrative Region (CAR) habang isa sa Region 2.

Sa CAR, dalawa ang nasawi sa La Trinidad, isa sa Balbalan, Kalinga at isa sa Benguet, Abra.

Umabot naman sa 64 ang bilang ng mga nasugatan, kung saan karamihan ay naitala rin sa CAR.

Sa Ilocos Sur, sinabi ni Alejandro na mayroong napinsalang municipal buidlings at district hospital sa bahagi ng Cervantes, Gabriela Silang General Hospital, Vigan Cathedral, at Bantay Bell tower.

Iniulat naman aniya ng Department of Education (DepEd) na 61 paaralan sa Regions 1, 2, 3 at CAR ang nagtamo ng pinsala.

Mayroon ding napaulat na nasirang tatlong tulay sa CAR at Region 1.

Nasa 22 kalsada naman aniya ang napaulat na sarado sa mga motorista at 19 kalsada ang isang lane lamang ang maaring daanan.

Umabot naman sa 428 na bahay ang nasira.

“Sa affected population naman, we are still getting the numbers. Karamihan naman nito ay manggagaling sa Region 1 at saka sa Cordillera,” saad ni Alejandro.

Samantala, wala pang nabanggit si Alejandro kung magkano ang kabuuang halaga ng pinsala ng lindol.

“Wala pa tayong value nito. Wala pa tayong computation kasi ‘yung sa Vigan na my reported damage doon sa ating mga historical sites, mga heritage sites natin. Iba raw po kasi ang computation nito. We have to check it with the National Historical society,” paliwanag nito.

Tumama ang magnitude 7 na lindol sa 3 kilometers Northwest ng bayan ng Tayum, Abra bandang 8:43 ng umaga.

Dahil sa lakas nito, naramdamam ang pagyanig sa iba pang lalawigan sa Luzon, kabilang ang Metro Manila.

TAGS: Abra, BreakingNews, EarthquakeAlert, EarthquakeInformation, EarthquakePH, InquirerNews, lindol, ocd, Office of Civil Defense, Philippine Institute of Volcanology and Seismology, RadyoInquirerNews, TagalogBreakingNews, Tayum, Abra, BreakingNews, EarthquakeAlert, EarthquakeInformation, EarthquakePH, InquirerNews, lindol, ocd, Office of Civil Defense, Philippine Institute of Volcanology and Seismology, RadyoInquirerNews, TagalogBreakingNews, Tayum

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.