May tatlong sama ng panahon na binabantayan ang PAGASA sa loob at labas ng teritoryo ng bansa.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Daniel James Villamil, isang low pressure area (LPA) ang nabuo na huling namataan sa layong 335 kilometers Kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.
Posible aniyang malusaw ang LPA sa susunod na 24 na oras.
Maliban dito, isa pang LPA ang namataan ng weather bureau sa 575 kilometers Silangan Hilagang-Silangan ng Itbayat, Batanes.
Ani Villamil, maliit ang tsansa na maging bagyo ang naturang sama ng panahon sa susunod na 24 oras.
Samantala, mayroong tropical depression na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huling namataan ang sentro nito sa 2,020 kilometers Silangan ng Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Sinabi ni Villamil na posible pang lumakas ang bagyo at umabot sa tropical storm category sa susunod na 24 oras.
Sa ngayon, tiniyak ni Villamil na walang direktang epekto ang tatlong sama ng panahon sa kalupaan ng bansa.
Bunsod nito, magpapatuloy pa rin ang maaliwalas na panahon hanggang Huwebes ng madaling-araw, Hulyo 28, maliban lamang sa mga posibleng maranasang isolated rainshowers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.