Tutulong ang Quezon City government sa National Housing Authority na ilipat ng bahay ang mga pamilyang naninirahan sa mga waterways at hazard-prone areas.
Ginawa ng Quezon City government ang pahayag matapos masawi ang dalawang residente dahil sa pagbaha sa lungsod noong Sabado dahil sa pagbaha.
Ayon kay Quezon City Disaster and Risk Reduction Management Office (QCDRRMO) head Maria Bianca Perez, matagal nang nagsasagawa ng relokasyon ang lungsod sa mga informal settler.
“The city will assist the NHA fulfill its mandate to relocate those living along danger zones. So no more lives will be lost as weather becomes more adverse as a result of climate change,” pahayag ni Perez.
Sinabi pa ni Perez na prayoridad ngayon ng pamahalaan ang pagrere-locate sa mga informal settler na naninirahan sa mga delikadong lugar base na rin sa programang Drainage Master Plan.
“Parte ng binubuo nating DMP ang Disaster Risk Reduction and Management (DRMM) interventions kung saan ire-relocate natin ang mga pamilyang nakatira sa mga mapanganib na lugar at palalakasin ang ating early warning systems sa mga komunidad,” pahayag ni Perez.
Samantala, sinabi naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na aayudahan ang pamilya ng dalawang nasawi.
“Taos-puso tayong nakikiramay sa pamilya at mahal sa buhay ng dalawa nating residente na nasawi sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan at biglang pagbaha nitong Sabado,” pahayag ni Belmonte.
“Magpapaabot ang pamahalaang lungsod ng kailangang tulong sa mga naulila ng mga biktima, kabilang na ang tulong pinansyal at pansamantala nilang matutuluyan,” dagdag ni Belonte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.