NTC, muling iniutos ang pagpapaigting ng kampanya laban sa “job text scams”
Muling inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang regional directors at ang telcos na paigtingin ang hakbang laban sa fake job text scams.
Sa inilabas na memorandum ni NTC commissioner Gamaliel Cordoba, inatasan ang regional directors at officers-in-charge na palakasin ang kampanya sa kani-kanilang nasasakupan kaugnay sa public information upang bigyang kaalaman ang publiko tungkol sa text scams.
Sinabi ni Cordoba na patuloy ang pagpapadala ng fake job text at kahalintulad na scams.
Muli ring nanawagan ang NTC sa DITO Telecommunity, Globe Telecoms at Smart Communications na magsagawa ng text blast sa kanilang subscribers mula sa araw ng Martes, Hulyo 5 hanggang 11, 2022.
Partikular na iniutos ng NTC na ipadala ang mensaheng ito sa subscribers, “Babala huwag pong maniwala sa text na nag-aalok ng trabaho na may pangako na malaking sweldo. Ito po ay isang scam.”
Inatasan din ang telcos na i-block ang SIM cards na ginagamit sa mga fraudulent activities at palakasin din ang public information campaign para bigyang kaalaman ang publiko laban sa mga scam.
Paalala naman ng NTC sa publiko at mga phone users na huwag ibibigay ang ang kanilang personal information at iwasang magsagot ng survey questions na mula sa mga hindi kilalang senders.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.