Pangarap ni Pangulong Duterte na komportableng buhay sa bawat Filipino, ituloy – Sen. Go
Tiniyak ni Senator Christopher Go na patuloy niyang susuportahan ang maiiwan na mga programa at proyekto ng administrasyong-Duterte na layon mabigyan ng komportableng buhay ang bawat Filipino.
“Ipagpapatuloy at pagsusumikapan nating mapaigting pa lalo ang mga pinaghirapan ng administrasyong-Duterte sa nakaraang anim na taon upang maramdaman ang mga magagandang pagbabago sa bawat sulok ng bansa,” ani Go sa pagbubukas muli ng Lucena – San Pablo City Commuter Line sa Quezon Province.
Partikular niyang binanggit ang ‘Build, Build, Build’ program na aniya isa sa layon ay mabigyan ng komportable at ligtas na pagbiyahe ang mamamayan.
“Sa ating Build, Build, Build program, unti-unti na nating naisasakatuparan ang pangako ng Pangulo na bigyan ng mas komportableng buhay ang mga Filipino,” dagdag pa ng senador.
Samantala, sa pagbubukas muli ng linya ng Philippine National Railways, magiging isang oras at kalahati na lamang ang biyahe mula Lucena City hanggang San Pablo City at ito ay may flag stops sa mga bayan ng Sariaya, Candelaria, Tiaong at Lutucan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.