LPA magpapaulan sa maraming lugar sa Luzon, Visayas
Mahigpit na tinututukan ng PAGASA ang umiiral na Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA Senior Weather Specialist Chris Perez, huling namataan ang episentro ng LPA sa layong 210 kilometers Kanluran ng Ambulong City dakong 3:00, Lunes ng hapon (Hunyo 27).
Maliit aniya ang tsansa na maging bagyo ang LPA.
Ngunit, magdudulot ang naturang sama ng panahon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat, at pagkulog sa Metro Manila, Central Luzon, Isabela, CALABARZON, MIMAROPA, at sa buong Visayas sa magdamag.
Pinayuhan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na maging alerto sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.
Ayon kay Perez, asahang mararanasan pa rin ang epekto ng LPA sa mga nabanggit na lugar sa araw ng Martes, Hunyo 28.
Samantala, sa Mindanao at natitirang bahagi ng Luzon, magiging mainit at bahagyang maalinsangan ang panahon.
Maari pa rin aniyang makaranas ng pag-ulan ngunit ani Perez, bunsod lamang ito ng localized thunderstorms lalo na sa hapon o gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.