Pagbagsak ng crane sa Makati City, iniimbestigahan na
Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang aksidente sa construction ng isang condominium kung saan isang malaking tower crane ang bumagsak na ikinasugat ng dalawang katao.
Iniutos na ni Makati Mayor Romulo Peña sa Office of the Building Official (OBO) na patigilin muna ang lahat ng mga gawain at trabaho sa construction site habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Giit ni Peña, bagaman walang nasawi, may mga nasugatan pa rin at hindi niya palalampasin ang negligence at hindi pagsunod sa kanilang mga batas at pamantayan sa pagtatayo ng gusali.
Naganap ang insidente Huwebes dakong alas-8 ng umaga sa HV dela Costa Street, Brgy. Bel Air kung saan isang taxi driver at lalaking nagbi-bisikleta ang nasaktan.
Humingi na rin ng paumanhin ang AM Oreta Construction na siyang contractor ng gusaling ginagawa at tiniyak na sagot nila ang pagpapagamot ng dalawang biktima.
Tatlong sasakyan, mga kable at poste ng kuryente ang nabagsakan ng nasabing crane.
Ayon naman sa mga tanod ng Bel-Air, bigla na lang nawala ang operator ng crane pagkatapos ng insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.