Ilang sinehan sa Maynila, nakitaan ng paglabag ng MTRCB
Nagsagawa ng inspeksyon kahapon ang Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) sa ilang sinehan sa Maynila.
Pinangunahan ni MTRCB Chairman Toto Villareal at mga board members ng ahensya ang sorpresang inspeksyon sa mga sinehan.
Unang pinasok ang New Vista cinema sa Recto Avenue sa Maynila na nagpapalabas ng mga adult film.
Ayon sa MTRCB, bawal ang nakalagay na malalaking posters sa entrance ng sinehan dahil kitang-kita ito ng mga dumadaan na kabataan.
Kulang din sa warning signs ang sinehan tungkol sa pelikulang kanilang ipinapalabas,
Sunod na tinungo ng MTRCB ang Dilsons Theater na nagpapalabas din ng adult films, at ang sinehan sa Isetann Recto kung saan napuna naman ng ahensya ang maling color coding sa movie advisory.
Samantala, makikipag-ugnayan naman ang MTRCB sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila matapos madiskubreng fire hazard na ang Dilsons Theater.
May natuklasan kasi sina Villareal na nakatambak na film reels sa sinehan na sagabal sakaling magkaroon ng emergency situation sa loob.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.