Pagdami ng pamilyang Filipino na nakararanas ng gutom, isinisi sa pagtaas ng oil products
Isinisisi ng Palasyo ng Malakanyang sa pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo ang paglobo ng mga Filipino na nakaranas ng pagkagutom.
Ayon kay acting presidential spokesman Martin Andanar, tinutugunan na rin naman ng pamahalaan ang isyu ng kagutuman.
Base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), nasa 3.1 milyong Filipino o pagtaas ng 12.2 porsyento ang nakaranas ng pagkagutom sa unang quarter ng taong 2022.
Sinabi pa ni Andanar na ang nangyayaring gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine ang dahilan ng pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.
“Tumaas po ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa nangyayari ngayon sa ng Russia at Ukraine; kaugnay nito, patuloy nating tinutugunan ang isyu ng kagutuman,” pahayag ni Andanar.
Mayroon naman na aniyang Executive Order Number 101 na ipinalabas si Pangulong Rodrigo Duterte noong January 2020 na nagtatatag sa Inter-Agency Task Force Zero Hunger.
Sinabi pa ni Andanar na mayroon na ring “Gulayan sa Barangay at sa Pamayanan” programs at iba pang livelihood projects ang pamahalaan para mabawasan ang kagutuman.
“Kaya naman na bagaman ay may pagtaas sa bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakakaranas ng gutom, mas mababa pa rin ang 12.2% ngayong Abril sa 16% noong huling bahagi ng 2020,” pahayag ni Andanar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.