Magna Carta for Women nilabag ni Duterte ayon sa CHR
Guilty si Davao City Mayor at incoming President Rodrigo Duterte sa paglabag sa R.A 9710 o Magna Carta for Women ayon sa Commission on Human Rights.
Sa dispositive part ng kanilang inilabas na resolution, sinabi ng CHR na maituturing na discriminatory at nakakasira sa estado ng mga kababaihan ang rape joke ni Duterte noong panahon ng kampanya.
Magugunitang pabirong sinabi ni Duterte ang mga katagang “Nagalit ako kasi ni-rape? Oo. Isa rin ‘yun. Pero napakaganda, dapat mayor muna ang nauna. Sayang….”
Ang nasabing pananalita ay kanyang nabanggit kaugnay sa ginawang paghahalay at pagpatay sa isang Australian missionary sa Davao City ilang taon na ang nakalilipas.
Pati ang Australian Embassy ay naglabas ng kanilang pahayag sa nasabing rape joke ni Duterte.
Hindi rin nagustuhan ni CHR Chairman ang nasabing pahayag ni Duterte na ayon sa kanya ay hindi akma para sa isang lider ng bansa.
Kaugnay nito, sinabi ng CHR na ipinauubaya na nila sa Civil Service Commission at Department of Interior and Local Government (DILG) ang disposisyon kaugnay sa nasabing desisyon.
Nauna nang nagsampa ng reklamo sa CHR ang iba’t ibang grupo laban kay Duterte kaugnay sa naturang rape joke.
Kabilang dito ang Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific (CATW-AP), World March of Women-Pilipinas (WMW), Lilak (Purple Action for Indigenous Women’s Rights), WomanHealth Philippines, Kasarian-Kalayaan (SARILAYA), Sagip-Ilog Pilipinas, Sentro ng Manggagawa ng Pilipinas (SENTRO), Labor Education and Research Network (LEARN) at PILIPINA-Ang Kilusan ng Kababaihang Pilipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.