Lalo pang pinaigting ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang partisipasyon ng taong bayan sa lokal na pamahalaan.
Ito ay matapos buoin ang People’s Council.
Pinangunahan ni Belmonte ang panunumpa ng interim executive committee officers ng People’s Council ng QC.
Ang People’s Council of Quezon City (PCQC) ay magsisilbing ‘umbrella arm’ ng 2,232 city-accredited Civil Society Organizations (CSO) na katulong ng lokal na pamahalaan na matiyak na ang lahat ng mga programa at polisiya ay mapapakinabangan ng mga taga lungsod.
“Ang People’s Council ang magsisilbing mata, tenga, at boses ng mga mamamayan sa ating pamahalaang lungsod. Malaki ang maitutulong ng kanilang kasanayan sa pagbuo ng mga programang dapat at nararapat para sa mga residente,” pahayag ni Mayor Belmonte.
Una nang nilagdaan ni Mayor Belmonte ang Implementing rules and regulations (IRR) ng City Ordinance SP-1942,S-2009 o ang Participation, Accountability, and Transparency (PAT) Ordinance na magpapalakas sa ugnayan ng lokal na pamahalaan at mamamayan ng lungsod.
“Sa loob ng 13 taon, hindi naisakatuparan ang batas na ito na sana nagpatatag na ng pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan. Ngayong mayroon nang PCQC na makakatuwang ng pamahalaang lungsod, makaaasa ang mga QCitizen na ang bawat piso at sentimong nanggagaling sa kanilang buwis ay mapupunta sa mga programang makabuluhan at makatutulong para maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat residente,” paliwanag pa ni Mayor Belmonte.
Kasama bilang kasapi ng PCQC ang representatives mula sa sectors ng Business, Professional, Women, HomeOwners Associations, Persons-with-Disabilities, Urban Poor, Solo Parents, LGBTQIA, Cooperatives, Charitable/Socio-Civic, Social Justice/Peace and Order, Health and Sanitation, Academe/Education, Youth, Labor/Workers, Transportation, Senior Citizens, Socio-Cultural, Environmental/Urban Protection/Solid Waste, Livelihood/Vendors, Religious.
Plano ring isama dito ang representatives mula sa Muslim o Bangsamoro, sports, at media.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.