Imbestigasyon sa $81-M money laundering, palyado
Mahigit tatlong buwan na ang nakalilipas nang iligal na makalusot sa bansa ang $81 million na ninakaw mula sa Bangladesh central bank.
Gayunman, hindi pa rin napapanagot ang mga dapat managot kaugnay sa pag-launder ng nasabing pera sa bangko at mga casino dito sa Pilipinas.
Wala pa ring naaaresto ang National Bureau of Investigation (NBI) dahil hindi sila pinayagang makialam sa imbestigasyon, at natapos na rin ang imbestigasyon ng Senado tungkol dito.
Nais sana ng ilang opisyal at mga private investigators na ipagpatuloy ito sa pamamagitan ng pagsunod sa money trail sa Pilipinas ngunit ayon sa kanila, mukhang malabo na rin ito.
Posible rin anila na pinili talaga ng mga responsable dito ang Pilipinas dahil alam nilang mahina ang batas ng bansa laban sa money laundering.
Ayon kay Augustus “Ace” Esmeralda na isang private investigator dito sa Maynila, ang nangyaring cyber-heist na itinuturing na isa sa pinakamalaki sa buong mundo, ay hindi lang dapat basta tingnan bilang simpleng hacking sa sistema ng bangko.
Sa tingin ni Esmeralda, ang gumawa nito ay gumamit ng hacker at ng isang taong nakakaalam sa mga bangko, sa anti-money laundering system at mga casino sa Pilipinas.
Inihalintulad niya pa ito sa hollywood film na Ocean’s 11 kung saan isang sindikato ng mga kriminal ang nagnakaw sa mga casino sa Las Vegas.
Isa sa pinaka-nakikitang dahilan ay dahil hindi nasasakop ng anti-money laundering law ng Pilipinas ang mga casino.
Nagiging sagabal rin sa imbestigasyon ang napakahigpit na bank secrecy law sa bansa na isa sa pinaka-mahigpit sa buong mundo.
Magugunitang noong Pebrero ay naipasok ang $81 million sa Rizal Commercial Banking Corp (RCBC) na napagpasa-pasahan na sa mga casino sa pamamagitan ng isang remittance agency na Philrem Services Corporation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.