BJMP, handa na para sa pagboto ng higit 33,000 bilanggo para sa 2022 elections
Handa na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa pagboto ng humigit-kumulang 33,000 persons deprived of liberty (PDLs) sa 2022 elections sa Lunes, Mayo 9.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni BJMP spokesperson Col. Xavier Solda na tuluy-tuloy ang isinasagawang inspeksyon ng National Headquarters at regional offices sa jail facilities.
Ani Solda, aabot sa 33,409 ang kabuuang bilang ng bilanggo na rehistradong botante.
Sa nasabing bilang, 30,726 PDLs ang boboto sa on-site o special polling precincts sa loob ng jail facilities, habang 2,683 naman ang off-site voters.
Bilang bahagi ng paghahanda at pagtitiyak na magiging maayos ang pagboto, nagsagawa aniya sila ng dry run kung paano gagawin ang off-site at on-site voting.
Siniguro rin nito na sasamahan ng BJMP personnel ang mga off-site voters.
“‘Yun hong mga boboto for off-site, definitely ho i-eescort ‘yan ng mga personnel natin. Meron ho kasing mga special lanes na itatalaga doon sa mga presinto, at gusto ko lang hong bigyang-diin na ‘yung mga PDL na boboto sa labas ng facilities natin, covered ho ‘yan ng appropriate court orders,” pahayag nito.
Ani Solda, mahigit isang buwan nang walang kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga PDL.
Sa kabuuang bilang na 130,982 bilanggo sa jail facilities, 127,097 o 97.03 porsyento na aniya ang bakunado laban sa nakahahawang sakit, 93.8 porsyento ang fully vaccinated, habang 71.46 porsyento naman ang nakatanggap na ng booster shot.
Binibigyan din aniya ng flu vaccine at bitamina ang mga bilanggo.
“Bahagi rin ho ito talaga ng paghahanda ng BJMP para masiguro ho natin na ready ang mga PDL natin pagdating sa boto at ikalawa, malusog ang pangangatawan nila, hindi tayo magkakaroon ng problema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.